Bahaghari: A Papa Jack's Life Reflection

“’Wag kang magpakatanga...hindi ka na niya mahal; hindi mo siya pag-aari kaya wala kang karapatang kontrolin siya….”

Ito ay ilan lamang sa mga ‘di ko malilimutang mga katagang binitawan ni Papa Jack nang minsang ako’y nakinig sa kanyang programa sa radyo, ang “True Love Confession”. Madaling araw na iyon ngunit tila baga’y wala pa ring humpay ang pagtawag ng mga caller sa kanya upang humingi ng mga payo patungkol sa usaping pag-ibig. At sa bawat tawag na kanyang sinasagot, parang binibigyan niya na rin ng bagong pag-asa ang mga taong nasa isang relasyon. Sino ba naman kasing hindi mai-inspire sa bawat payong kanyang binibitawan sa gitna ng linya. Ngunit hindi lamang iyan ang kanyang nagagawa, napapatawa rin niya ang kanyang mga tagapakinig sa sandaling aagos na ang mga luha sa kanilang mga mata.

            Habang pinapakinggan ko ang mga payong ibinibigay ni Papa Jack, hindi ko maiwasang magtaka kung bakit ganoon na lamang ang pagka-dalubhasa niya hindi lamang sa usaping pag-ibig ngunit maging sa realidad ng buhay bilang kabuuan. Waring naranasan niya na lahat ang mga sitwasyong isinasangguni sa kanya. At sa bawat payo niya, tila bagang may pinanggagalingan ang mga ito. Sino nga ba si Papa Jack? Ano nga ba ang kanyang mga naranasan bago siya sumikat? Ano ba ang naging buhay niya bago niya malasap ang tamis na bunga ng kanyang mga pinaghirapan?

            Sinong mag-aakalang ang ating iniidolo ay nagmula sa isang bayan sa Pangasinan, ang Alcala. Dito siya lumaki’t namulat sa realidad ng buhay. Ang kanyang tunay na pangalan ay John Gemperle. Tanging ang kanilang butihing ina ang naging kaagapay nilang magkakapatid sa gitna ng kahirapan, matapos silang iwanan ng kanilang ama. Bilang isang responsable’t maalalahaning anak, inako niya ang papel na iniwan ng kanilang ama.

            Sa kanyang paglaki, hindi lamang pag-aaral ang naging prioridad niya sa buhay kundi maging ang pagtulong sa kanyang pamilya upang mairaos ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya naman, bago pa man sumikat ang araw ay naroon na’t nakikisaka sa bukid. At sa pagtatapos ng kanyang klase ay agad siyang nagtutungo sa palengke upang tumulong sa mga nagtitinda doon bilang isang kargador.

            Nang palaring makapasok sa Polytechnic University of the Philippines at kumuha ng kursong Mass Communication, hindi pa rin niya isinantabi ang pagtulong niya sa kanyang pamilya. Naging student assistant siya upang matugunan ang kanyang mga pangangailangang pinansyal sa pag-aaral. Bilang isang taong biniyaan ng “kagwapuhan”, sumasali din siya sa mga patimpalak. Bihira lamang siyang matalo. At sa bawat premyong kanyang iniuuwi, hindi pa rin niya nakaliligtaang magpadala sa kanyang pamilya sa probinsya.

            At dahil sa kanyang pagsusumikap, nakamit na nga niya ang kanyang diploma-isang pangaral hindi lamang bilang paagkilala na siya’y nakatapos na ngunit bilang pagkilala na rin sa kanyang kasipagan upang makatulong sa kanyang pamilya.

            Sunod-sunod na nga ang mga tagumpay na kanyang nakamit. Natanggap siya bilang isang disc jockey sa isang noo’y di kilalang istasyon sa radio-ang Love Radio. Ang kanyang programa ay tungkol sa pag-ibig ang ngayo’y patok ‘di lamang sa mga kabataan kundi maging sa mga may-edad na rin. Dahil sa kanyang karisma sa mga tagapakinig niya sa radio, inalok siya’t naging tagapagsalita sa bagong programa sa GMA Networks na “Starbucks” kasama ang nagbabalik sa industriya, si Alice Dixon. Ang kanilang programa ay sumisentro sa mga hidwaan sa pagitan ng mga magkakarelasyon.

            Malayo na nga kanyang narating mula sa pagiging isang hamak na mahirap noon. Ngunit, sa kabila ng kanyang tinatamasang kaningningan, hindi pa rin niya kinalilimutan ang kanyang pinanggalingan. Patuloy pa rin siyang nagpapasalamat sa Poong Maykapal na naging  katuwang niya sa pagsagupa sa mga hamon ng buhay. Hindi pa rin siya tumitigil sa pagtulong sa kanyang pamilya lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Sa kasalukuyan, siya ay mayroon na ring kinakasama at mayroong isang apat na taong gulang na anak. Ayon sa kanya, mapalad siya’t nakaranas sila ng kahirapan na nagsilbing inspirasyon upang bumango’t magsumikap na labanan ito.

            Ang kwentong buhay ni Papa Jack ay isang mabuting halimbawa sa mga kabataang nakararanas ng kahirapan sa buhay na ito. Siya’y isang modelo- isang taong nagsumikap at nagtiyaga sa kanyang paglalakbay tungo sa landas ng kaningningan. Isang taong binuo ng kanyang sariling mga karanasan  na nagmistulang mga hagdan upang maabot ang kanyang mga pangarap. At higit sa lahat, isang taong nanindiga’t nagpatotoo sa kasabihang “ Ang kahirapan ay hindi kailanma’y magiging sagwil sa tagumpay”.

            Tunay  nga namang ang pagiging isang mahirap ay hindi pasakit upang sundan ang ating mga pangarap. Bagkus, ito pa nga’y isang pagsubok na tanging sipag, tiyaga at pagtitiwala sa Poong Maykapal ang siyang pwersang makatatalo dito. Ngunit, sa sandaling tayo’y nakaapak na sa daan ng tagumpay, huwag sana itong balakid sa pagtulong sa ating kapwa. Dapat magsilbi tayong huwarang mamamayan na tumutulong at lumalaban upang magkaroon nang pantay na pagtingin sa pagitan ng mga maykaya at mga mahihirap. Lagi nating isapuso na ang ating pag-ahon sa kahirapan ay isa lamang instrumento Niya upang mas marami pa tayong mapasaya’t mapatawa-di lamang sa aspetong materyal kundi maging sa simpleng pagiging inspirasyon sa bawat salitang ating bibigkasin at higit sa lahat, sa bawat gawang ating ipinapakita sa iba. By Sonemer


No comments: