“’Wag kang magpakatanga...hindi ka na niya mahal;
hindi mo siya pag-aari kaya wala kang karapatang kontrolin siya….”
Ito ay ilan lamang sa mga ‘di ko malilimutang mga
katagang binitawan ni Papa Jack nang minsang ako’y nakinig sa kanyang programa
sa radyo, ang “True Love Confession”. Madaling araw na iyon ngunit tila baga’y
wala pa ring humpay ang pagtawag ng mga caller sa kanya upang
humingi ng mga payo patungkol sa usaping pag-ibig. At sa bawat tawag na kanyang
sinasagot, parang binibigyan niya na rin ng bagong pag-asa ang mga taong nasa
isang relasyon. Sino ba naman kasing hindi mai-inspire sa bawat
payong kanyang binibitawan sa gitna ng linya. Ngunit hindi lamang iyan ang
kanyang nagagawa, napapatawa rin niya ang kanyang mga tagapakinig sa sandaling
aagos na ang mga luha sa kanilang mga mata.
Habang
pinapakinggan ko ang mga payong ibinibigay ni Papa Jack, hindi ko maiwasang
magtaka kung bakit ganoon na lamang ang pagka-dalubhasa niya hindi lamang sa
usaping pag-ibig ngunit maging sa realidad ng buhay bilang kabuuan. Waring
naranasan niya na lahat ang mga sitwasyong isinasangguni sa kanya. At sa bawat
payo niya, tila bagang may pinanggagalingan ang mga ito. Sino nga ba si Papa
Jack? Ano nga ba ang kanyang mga naranasan bago siya sumikat? Ano ba ang naging
buhay niya bago niya malasap ang tamis na bunga ng kanyang mga pinaghirapan?
Sinong
mag-aakalang ang ating iniidolo ay nagmula sa isang bayan sa Pangasinan, ang
Alcala. Dito siya lumaki’t namulat sa realidad ng buhay. Ang kanyang tunay na
pangalan ay John Gemperle. Tanging ang kanilang butihing ina ang naging
kaagapay nilang magkakapatid sa gitna ng kahirapan, matapos silang iwanan ng
kanilang ama. Bilang isang responsable’t maalalahaning anak, inako niya ang
papel na iniwan ng kanilang ama.
Sa
kanyang paglaki, hindi lamang pag-aaral ang naging prioridad niya sa buhay
kundi maging ang pagtulong sa kanyang pamilya upang mairaos ang kanilang
pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya naman, bago pa man sumikat ang araw ay
naroon na’t nakikisaka sa bukid. At sa pagtatapos ng kanyang klase ay agad
siyang nagtutungo sa palengke upang tumulong sa mga nagtitinda doon bilang
isang kargador.
Nang
palaring makapasok sa Polytechnic University of the Philippines at kumuha ng
kursong Mass Communication, hindi pa rin niya isinantabi ang pagtulong niya sa
kanyang pamilya. Naging student assistant siya upang matugunan ang kanyang mga
pangangailangang pinansyal sa pag-aaral. Bilang isang taong biniyaan ng
“kagwapuhan”, sumasali din siya sa mga patimpalak. Bihira lamang siyang matalo.
At sa bawat premyong kanyang iniuuwi, hindi pa rin niya nakaliligtaang
magpadala sa kanyang pamilya sa probinsya.
At
dahil sa kanyang pagsusumikap, nakamit na nga niya ang kanyang diploma-isang
pangaral hindi lamang bilang paagkilala na siya’y nakatapos na ngunit bilang
pagkilala na rin sa kanyang kasipagan upang makatulong sa kanyang pamilya.
Sunod-sunod
na nga ang mga tagumpay na kanyang nakamit. Natanggap siya bilang isang disc
jockey sa isang noo’y di kilalang istasyon sa radio-ang Love Radio. Ang kanyang
programa ay tungkol sa pag-ibig ang ngayo’y patok ‘di lamang sa mga kabataan
kundi maging sa mga may-edad na rin. Dahil sa kanyang karisma sa mga
tagapakinig niya sa radio, inalok siya’t naging tagapagsalita sa bagong
programa sa GMA Networks na “Starbucks” kasama ang nagbabalik sa industriya, si
Alice Dixon. Ang kanilang programa ay sumisentro sa mga hidwaan sa pagitan ng
mga magkakarelasyon.
Malayo
na nga kanyang narating mula sa pagiging isang hamak na mahirap noon. Ngunit,
sa kabila ng kanyang tinatamasang kaningningan, hindi pa rin niya kinalilimutan
ang kanyang pinanggalingan. Patuloy pa rin siyang nagpapasalamat sa Poong
Maykapal na naging katuwang niya sa pagsagupa sa mga hamon ng buhay.
Hindi pa rin siya tumitigil sa pagtulong sa kanyang pamilya lalo na sa pag-aaral
ng kanyang mga kapatid. Sa kasalukuyan, siya ay mayroon na ring kinakasama at
mayroong isang apat na taong gulang na anak. Ayon sa kanya, mapalad siya’t
nakaranas sila ng kahirapan na nagsilbing inspirasyon upang bumango’t
magsumikap na labanan ito.
Ang
kwentong buhay ni Papa Jack ay isang mabuting halimbawa sa mga kabataang
nakararanas ng kahirapan sa buhay na ito. Siya’y isang modelo- isang taong
nagsumikap at nagtiyaga sa kanyang paglalakbay tungo sa landas ng kaningningan.
Isang taong binuo ng kanyang sariling mga karanasan na nagmistulang
mga hagdan upang maabot ang kanyang mga pangarap. At higit sa lahat, isang
taong nanindiga’t nagpatotoo sa kasabihang “ Ang kahirapan ay hindi kailanma’y
magiging sagwil sa tagumpay”.
Tunay nga
namang ang pagiging isang mahirap ay hindi pasakit upang sundan ang ating mga
pangarap. Bagkus, ito pa nga’y isang pagsubok na tanging sipag, tiyaga at
pagtitiwala sa Poong Maykapal ang siyang pwersang makatatalo dito. Ngunit, sa
sandaling tayo’y nakaapak na sa daan ng tagumpay, huwag sana itong balakid sa
pagtulong sa ating kapwa. Dapat magsilbi tayong huwarang mamamayan na
tumutulong at lumalaban upang magkaroon nang pantay na pagtingin sa pagitan ng
mga maykaya at mga mahihirap. Lagi nating isapuso na ang ating pag-ahon sa
kahirapan ay isa lamang instrumento Niya upang mas marami pa tayong mapasaya’t
mapatawa-di lamang sa aspetong materyal kundi maging sa simpleng pagiging
inspirasyon sa bawat salitang ating bibigkasin at higit sa lahat, sa bawat
gawang ating ipinapakita sa iba. By
Sonemer
No comments:
Post a Comment